Sipiin

(tula) Akin

WALANG TAYO,
hindi “wala nang tayo”
magkaiba iyon
gaya nang pagkakaiba ng damdamin natin
ang mayroon lamang ay ang magandang ‘AKO’
at ang ang pilyong ‘IKAW’
na hindi man lang umabot sa masayang ‘TAYO.
hindi ko gusto ang magkaroon ng malanding ‘KAYO’
ngunit pupuwede ang pausbong na ‘SILA’
tiyak kong hindi mo rin gugustuhin ang nagsisimulang ‘KAMI’
o ang paparating na ‘NAMIN’
wala nga sigurong namamagitan sa atin
ngunit heto pa rin ako
umaasa na balang araw
matatawag natin ang isa’t isa na
‘AKIN’


AKIN
©Fletus Anima
11/8/2016

(Maikling Kuwento) Ang Sabaw ni Pia

Ang Sabaw ni Pia
ni Ysai Carinio
___________________________

SUMASABAY sa pagpatak ng ulan ang pag-agos ng luha sa mga mata ni Pia. Nahihilam ang mga ito at nagngangalit ang kaniyang mga bagang. Hindi niya magawang kumilos upang makapanlaban dahil nakapatong sa kaniya ang Tiyo Kardo niya at hawak nito ang magkabila niyang kamay habang walang patid sa pag-indayog ang katawan nito sa kaniyang ibabaw. Ang bawat haplos, bawat halik at ang bawat pagdampi ng balat nito sa balat niya ay waring nag-iiwan ng sugat na hindi kailanman mawawala. Mga latay at peklat na magsisilbing paalala na may isang halimaw na minsang natakam na tikman siya—parang isang hayop na hayok sa sariwang laman. Kaya ang tingin niya sa kaniyang sarili ay isang pagkaing nakahain para lamang sa isang halimaw. Matagal na siyang nagtitiis. Ang maliit niyang kuwarto ang siyang piping saksi sa lahat ng pangmomolestiya nito. Ang saksing kailanman ay walang kakayahang maikuwento ang mga nangyari.

Matapos nitong pagpiyestahan ang kaniyang katawan, nginisian siya nito tanda na nabusog sa nakahaing putahe. Para sa mga mata nito, isa lamang siyang lamang-tiyan. Isang mariin na halik ang iginawad nito sa pisngi niya bago tuluyang kumalas sa pagkakapatong sa kaniya. Nandidiri siya sa bakat ng laway nito na nagkalat sa buo niyang katawan.

“Subukan mo lang na magsumbong sa kahit na sino, papatayin kita pati ang pamilya mo,” mahina man, ramdam ni Pia ang intensidad sa tono ng pananalita nito bago tuluyang pumasok sa banyo.

Muling umagos ang luha sa kaniyang mga mata. Mga luhang patunay kung gaano siya nahahabag sa sarili. Mga luhang kaniyang naging kakampi upang sa ganoon ay maibsan kahit paano ang hinagpis at sakit na kaniyang nadarama. Dahil kahit ang tiyahin niyang asawa nito ay alam ang pangmomolestiyang ginagawa ng asawa. Isang masaklap na katotohanan para sa kagaya ni Pia na nakipagsapalaran sa siyudad—namasukan sa kamag-anak para lang may maipangtustos sa pamilya’t pag-aaral.

Ilang sandali pa ay tumunog ang cellphone niya. Pangalan ng tiyahin ang nakarehistro sa screen nito.

H–hello?

“Ano ba’ng ginagawa mo’t natagalan ka sa pagsagot?” halos pabalang na sabi nito.

“H-hindi ko na k-kaya, t’yang…” garalgal ang tinig nito habang animo’y isang nagmamakaawang pusa na naghihintay na may taong magsasalba sa kaniya sa pusaling kinaroroonan niya nang mga sandaling iyon.

“Leche! Hanggang ngayon ba naman Pia, umaasa kang ipagtatanggol kita? Gusto mo ba talaga akong mawalan ng asawa, ha? Sundin mo na lang ang lahat ng gusto ng tiyong mo. Pinagbantaan ka na niya, hindi ba? Huwag ka nang magtangka na magsumbong pa kahit kanino. Maliwanag ba, Pia?”

“Tulungan n’yo naman po ako, t’yang. Gusto ko nang umuwi sa amin…sa pamilya ko,” pagmamakaawa niya.

“Tutulungan kita, tapos ano? Lalayasan ako ng t’yong mo? Nasaan ba talaga ang utak mong bata ka, ha?

Bumuntong-hininga siya’t napalunok para kalmahin ang sarili. “Kayo ho? Nasaan din ho ba ang utak ninyo at nagpapaalipin kayo sa pag-ibig ng hayop na iyon?” may diin ang bawat salitang binitiwan niya. “Ano’ng ipinagkaiba mo sa kaniya kung pareho kayong makasarili at nagpapakasasa sa katawan ng iba? Siya, sa katawan ko at ikaw, sa pambubugaw sa ibang babae?”

“Tumigil ka!”

“Para kayong mga hayop na nabubuhay sa laman ng kapwa hayop. Mga gutom at uhaw sa karangyaan kahit marami na ang nasasaktan.”

“Tigil-tigilan mo nga ako sa kaartehan mong babae ka! Pag-uwi ko at wala pang nakahain d’yan, malilintikan ka talaga sa ‘kin!” Pinutol na nito ang tawag.

Nangisi siya habang pinapakinggan ang makailang ulit na pag-beep ng kabilang linya. Isa…dalawa…lima—para iyong musika sa kaniyang pandinig. Tila isang senyales na wala pa man ay napagtagumpayan na niya. Nararamdaman niya ang unti-unting pag-usbong ng bagwis sa kaniyang likuran. Bagwis na sumisimbolo sa kaniyang kalayaan sa poder ng mga halimaw na matagal niyang pinagtiisan.

Ginawa lamang siyang katulong ng mga ito at pinagmalupitan. Hanggang sa dumating iyon sa punto na ginamit na siya ng sariling tiyuhin. Halos araw-araw. Gabi-gabi. Kumikita ang mga ito sa pambubugaw. Iba-ibang babae ang gabi-gabing pinagpipiyestahan ng mga kalalakihang hayok sa laman. Mga bampirang uhaw sa dugo. Ang mga babaeng nasa poder ng mga ito sa casa ay parang mga nilalakong karne sa palengke; may sariwa at mayroon din namang hindi. Mabuti na nga lang at hindi iyon ang ginawa sa kaniya. Eksklusibo lamang daw siya para sa tiyuhin.

Matapos niyang magbihis ay pumunta na siya sa kusina para magluto ng paborito nilang bulalo. Natigil lamang siya sa paghahanda nang may yumapos sa kaniya mula sa likuran niya. Ramdam niya ang init ng hininga nito na tumatama sa kaniyang leeg. Ang mga kamay nito na walang habas sa paggalugad sa kaniyang payat na katawan ‘tungo sa maseselan niyang parte. Ramdam din niya ang pagpupog nito ng halik sa kaniyang leeg na nagpapahiwatig ng kasabikan nitong muli siyang maangkin. Hindi siya kumilos, ni hindi rin tumutol. Itinuloy na rin niya ang paggayat sa rekado ng iluluto.

“Kailan ka ba magsasawa? ” walang emosyong tanong niya.

“Hinding-hindi kita pagsasawaan.” Inilapit nito ang mukha’t marahang dinilaan ang kaniyang pisngi. Itinapat din nito ang bibig sa tainga niya. “Akin ka lang, Pia. Kung gusto mong makalabas dito, papatayin muna kita,” bulong nito.

Pinaharap siya nito at mabilis na sinuggaban ang kaniyang leeg, pisngi, balikat, labi, hanggang sa umabot iyon sa kaniyang dibdib.

“Ang sarap mo talag—” Hindi na nito natapos pa ang sasabihin nang maramdaman ang matalim na bagay na tumusok sa likuran nito sa tapat kung nasaan ang puso.

Hindi na halos mabilang kung ilang beses niyang isinaksak ang hawak na kutsilyo sa likod at dibdib nito. Hindi siya nababakasan ng awa sa ginawa. Nakangiti pa nga siya kung tutuusin.

Kung ano ang kinuha, siya rin ang kukuhanin. Kung ano ang kinain, ito rin bayad na babawiin, sa isip-isip niya.

PASADO ala una y media na nang dumating ang tiyahin niya galing sa casa. Nadatnan siya nitong naghahain ng pagkain sa mesa. Ngumiti ito’t pumuwesto na sa hapag. “Kung ganiyan ka ba naman nang ganiyan, aba’y, magkakasundo tayo. Teka’t nasaan ba ang tiyong mo?”

“Nasa kuwarto ho, nagpapahinga.” Nangiti siya habang pinapanood ito sa pagngasab sa karne at paghigop sa mainit na sabaw.

“Alam mo, dapat matikman ito ng asawa ko.” Mabilis itong nagtungo sa kuwarto. Ilang sandali pa, narinig na niya ang pagsigaw at pagtili nito. Sumunod siya roon at pumirmi sa may pintuan.

Inayos niya ang masansang na bangkay nito sa kama na parang natutulog lang. Kinumutan pa niya ito para itago ang putol na kamay nito, ari at mga binti. Gaya nang kaniyang inaasahan, nasurpresa nga ang tiyahin.

“Anong ginawa mo sa asawa ko?” Bakas sa mukha nito ang takot at galit.

“Tama lang sa kaniya ‘yan. Nakiusap ako, nagmakaawa sa inyo, pero pinakinggan ba ninyo ako?” aniya habang pinaglalaruan ang talim ng kutsilyong hawak.

“Baliw ka na! Magbabayad ka sa ginawa mo! Mamamatay tao!”

“Kayo ang mamamatay tao! Kayo ang pumatay sa pagkatao ko! Lahat ng natitira kong pag-asa, isa-isa ninyong pinatay!”

“Nababaliw ka…”

Sinugod siya nito para sana saktan. Iyon nga lang, mas mabilis niyang naisaksak ang hawak na kutsilyo sa dibdib nito dahilan ng agaran nitong pagkamatay. “Lahat ng pinatay ninyo sa akin, kamatayan rin ang magiging kabayaran. Magkita-kita na lang tayo sa impiyerno.”

Ilang sandali pa ay tumunog ang cellphone ng tiyahin na nasa bulsa. Agad niyang kinuha iyon at saglit na tinitigan ang pangalang nakarehistro sa screen; Landoang kaisa-isang anak ng mag-asawa. Ang pinsan niyang isa rin sa gumalaw sa kaniya.

“Hello?” walang emosyong sabi niya.

“Pia? Bakit ikaw ang sumagot? Nasaan si mama?” usisa nito sa kabilang linya.

“Nagpapahinga na ang mama at papa mo.”

“Ah, gano’n ba? Pauwi na ako, pakisabi na lang. Saka, may pagkain pa ba? Nagugutom na kasi ako, e.”

“Ipagluluto na lang kita ng masarap na sabaw.”

Isang ngisi ang biglang gumuhit sa kaniyang mga labi habang nakatitig sa bangkay ng tiyahin na naliligo sa sariling dugo.

(Maikling Kuwento) BENTE

BENTE
by Ysai Carinio
________________________________

“ATE, gutom na ‘ata si Ningning.”

Nakailang-ulit iyong sinabi sa akin ni Genesis habang kalong-kalong ang isang taong gulang na si Ningning na walang patid sa pag-iyak. Mugto na ang mga mata nito at halos wala ng luhang lumalabas sa kaniyang nahihilam na mga mata. Nagkataon pang wala kaming kinita sa pangangalakal kung kaya wala rin kaming maipambili ng makakain nang gabing iyon.

“Aalis muna ako para mangutang,” sabi ko sa kapatid kong walong taong gulang pa lamang.

Nakita ko na lang ang sarili kong binabagtas na ang madilim na eskinitang pinangingilagan ng ilan. Sa isang banda, matalas ang mga titig na itinapon sa akin ng nagkumpulang mga kalalakihan.

Napalunok ako nang lumapit sa akin si Nick—ang madalas na tumulong sa akin sa mga panahong gipit kami.

“Bakit ka nandito? Akala ko ba—”

“Huli na ‘to, Nick. Pakiusap…”

Mistulang nakamaang siya sa akin bago tumango.

Dinala ako ni Nick sa dating lugar kung saan naroon ang mas marami pang kalalakihan. May matatanda, may mga binatang panay ang hithit ng yosi at ang iba’y pawang mga kasing-edad ko lamang—bente.

Isang maliit na kuwarto ang pinasukan ko. At doon, isa-isang pumasok ang mga nakatambay na lalake.

Panay ang kanilang halik sa iba’t ibang parte ng katawan ko. Panay rin ang kapa nila sa aking maseselang parte. Sa bawat pagpisil, paglamutak at panggigigil, unti-unti kong naramdaman ang kakaibang sensasyong hatid ng kanilang ginagawa. Hanggang sa kusa na rin akong tumugon sa kanila. Impit na ungol. Halinghing. Mahinang pagmumura. Isa-isa silang pumatong sa akin. Tihaya. Padapa. Wala silang pinalampas, lahat yata’y ginawa na nila.

Pagkatapos nila akong pagpiyestahan, isa-isa rin silang lumabas ng kuwarto na para bang walang nangyari. Agad namang pumasok si Nick.

“Marie, ayos ka lang ba?” Bakit tila may himig pag-aalala ito?

Tumango ako. Hindi na ito bago sa akin pero nakararamdam pa rin ako ng sakit at hapdi sa pagitan ng aking mga hita. Pinulot ko rin ang mga damit kong nagkalat at agad na isinuot ang mga iyon.

“Heto pala, ipinaaabot nila. Pasensiya ka na raw,” sabi niyang napakamot na lang sa ulo.

Isang perang papel na nagkakahalagang bente—bente pesos para sa ginawa ko sa kanila. Ilang segundo ko itong tinitigan—nagbabaka-sakaling magbabago pa ang numerong naka-imprenta roon. Kaso, hindi ganoon ang nangyari.

Tiningnan ko si Nick, “G-ganito lang ba talaga kababa ang h-halaga ko? Bente?” Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi. “Kulang pa ‘tong pambili ng gatas,” pagaralgal na sabi ko.

“Pasensiya ka na at walang-wala rin ako ngayon.”

Lumabas na rin ako sa lungga nila at hinanap ang mga lalakeng gumalaw sa akin. Gaya nga nang sinabi niya, ni isang bakas, wala na—nagsipulasan na ang mga gago.

Sinikap kong makapaglakad ng maayos hanggang sa makarating ako sa isang tindahan. Ibinili ko ang perang hawak ko ng gatas na nasa sachet at ang sobra naman ay ibinili ko ng tinapay. Sapat para maibsan ang pagkalam ng aming sikmura.

Nasa kanto pa lamang ako nang matanaw ko ang kumpol ng mga tao sa lugar kung nasaan ang kariton namin. Napatakbo ako. Kinabahan. At nang matapat na ako roon, narinig ko na lamang ang sinabi ng isang babaeng nakikiusyuso; “Kawawa naman ‘yong bata.” Pumalatak pa ito.

Agad kong hinawi ang mga tao at tumambad sa akin si Genesis na umiiyak. “A-ate…s-si Ningning…wala na si Ningning, a-ate…”

Walang isang salita ang lumabas sa bibig ko. Nabitiwan ko na rin ang hawak kong supot ng pagkain. Mabilis na kumawala sa mga mata ko ang aking luha. Huli na ba talaga? Wala na ba ang batang bunga ng isang gabing pinagsaluhan namin ni Nick?

(Tula) Wala na

Akala ko magiging okay pa tayo
Mula sa tampuhang tumagal ng isang linggo.
Nag-usap na tayo,
Nagpalitan ng argumento,
Baka sakaling mabuo pa ang dapat mabuo.
Pero wala na…
Ni isang mensahe, wala kang ipinadala.
Kahit ang salitang ‘seen’ ay hindi ko na nakita.
Sadyang ganiyan ka ba katigas
Para sa akin ay umiwas?
O kahit alam mong ikaw ang may mali
Lahat, sa akin mo isinisisi?
Kasalanan ko ba kung nagpakatotoo ako?
O kasalanan mo dahil hindi iyon matanggap ng iyong ‘ego’?
Ilang araw,
Ilang linggo,
Hanggang ngayo’y walang pagbabago.
Malamig pa rin ang pakikitungo mo
Sa akin na nagsabi lang ng totoo.
Namimiss kita, mahal ko.
Namimiss ang mga gabing ganito;
Mga gabing naghihintayan tayo
Mga gabing solo natin ang mundo.
Kaso, hindi na tayo gaya ng dati,
Wala na ang dating genuine na ngiti.
Lahat ng iyon, sinira ng akalang mali,
Nauna ang galit, hindi man lang bumawi.
Oras na siguro para kalimutan kita.
Kalimutan ang masayang simula.
Hanggang sa ako’y masanay na
At pagsusulat ang aatupagin muna.

(Tula) KUNG PUWEDE LANG

Kung puwede ko lang ibalik sa dati
Kung puwede ko lang bawiin ang pangyayari
Kung puwede ko lang patigilin ang mundo
Sa kung saan nagsisimula pa lang ang pag-ikot nito
Sa dalawang tao na kung tawagin nila ay TAYO,
Kung puwede ko lang patigilin ito
Sa kung saan hawak mo ang kamay ko
Sabay bumulong ng mga pangako;
“Mahal, ipaglalaban natin ‘to. Huwag tayong susuko.”
Kung puwede ko lang balikan ang dati
Sa kung saan niyakap kita
Bilang pagtugon sa pangako mo
Kung saan ramdam ko ang pagtibok ng iyong puso
Na nagsasabing…mahal mo ako.
Kung puwede ko lang…
Kung puwede lang…
Kung puwede…
Kung…
Masaya ka na ba?
Kasi ako…hirap na hirap na.
Sa pag-aakalang madali ka lang kalimutan
Doon bumabalik ang masayang nakaraan
Nahihirapan akong iwasan ang isipin ka
Dahil sa isip ko,
tayong dalawa ay masaya.
Sa isip ko, tayo’y magkasama.
Sa isip ko…
Tanginang isip ‘to!
Kung mabubuksan mo lang ang isip ko,
Makikita mo ang sarili mong naghahari rito!
Sa isip ko, mahal na mahal mo ako.
Mahal mo ako…
Mahal mo a—
tanginang isip ‘to!
Pinapaasa ako!
Pero hindi ako susuko!
Hinding-hindi ako susuko!
Magalit ka na, mahal
Pero ikukulong pa rin kita rito.
Dahil dito, walang ibang nagmamay-ari sa ‘yo kundi ako.
Walang ibang hahawakan ang kamay mo, kundi iyong kamay ko.
Wala kang ibang mamahalin, kundi ako.
Wala.
Pero…masaya ba ako?
Dahil lahat ng ito’y nasa isip ko?
Kahit anong gawin ko,
Hindi magkakatotoo.
Masaya ka na nga—
Masaya sa kanila.
Habang ako rito,
Patuloy na umaasa.
Na balang araw…balang araw,
Babalik ka.

(Tula) KUNG SAKALI…

KUNG SAKALI…
(ni Ysai Carinio)

Kung ibubulong ko ba sa hangin ang salitang MAHAL KITA, maririnig mo ba?
Tatangayin ba ng hangin ang aking nadarama,
Papunta sa lugar kung saan ka naroon, mag-isa?

Kung iuukit ko sa puno ang salitang MISS NA KITA, madarama mo ba?
Hahaplusin mo ba ang nakaukit na letra?
O lalagpasan na lang at hindi na lilingunin pa?

Paano kung isulat ko sa buhangin ang HIHINTAYIN KITA, makikita mo ba?
O buburahin lang ng alon ang mga salita
para tuluyan nang huwag umasa?

Kasabay nang paglimot sa nakaraang masaya nating pinagsaluhan,
Kasabay ng mga pangakong binitiwan,
kailangan na nga bang iwan?
Handa na nga bang itapon ang mga sandaling ipinaglaban?
Kakalimutan na ba ang lahat at ibabaon na lang sa nakaraan?

Ang minsang ako at ikaw na ang tawag nila ay TAYO,
Sa mundo nang mapanghusga at puro biro
Nakita ko ang posibleng mangyari at mabuo
Kaso, umayaw ka na at biglang sumuko.

Kung bubulong ba ako sa hangin, maririnig mo ba?
Kung isusulat ko sa buhangin ang nadarama, lilingon ka ba?
Babalik? At hindi na muling lilisan pa?
Kasi heto pa rin ako at umaasa
Umaasa sa muling pagbabalik ng pag-ibig na hindi nabigyan ng pagkakataong umusbong at lumaya.

Mahal kita.
Mahal na mahal kita.
Pakiusap, bumalik ka na.

(Tula) Una at Huling Pahina

UNA AT HULING PAHINA
by Ysai Carinio

Sa simula lang masaya,
naaalala, parang walang problema.
Sa simula lang masarap tumawa.
Pero ‘pag nagtagal, nawawala rin pala
Ang Akala nating masayang simula,
Napapalitan ng lungkot at pag-aalala.
Ang puso ko ngayon, patuloy na umaasa,
Na sana…sana hindi na magtapos ang nasimulan
Kahit na maging paos sa kasisigaw ang puso ko, kakapit at kakapit ako
Sa dahilan, kung bakit sa ‘yo pa nagkagusto.
Umaasa pa rin na sana…sana hindi na magwakas pa
Itong mayroon sa atin na nagsimula
Sa isang kuwentuhang puno nang pag-asa.
Naaalala ko pa nga ang una mong paglapit
Nagtanong ka ngunit di ako kumibo
Ngumiti ka pero ismid ang iginanti ko
Nung una, Alam mo bang naiirita ako sa ‘yo?
Minsan pa nga’y hiniling na sana huwag ka nang mang-istorbo.
Kung kailan kasi okay na ako
Bigla mong binulabog ang tahimik kong puso.
Pero wala, e. Gano’n yata talaga.
Nagkapalagayan tayo ng loob
Sabay nang tumatawa.
Kuwentuhan. Asaran. Kulitan.
Hanggang sa magkapikunan.
At dumating iyon sa punto na tayo’y nagkakasakitan.
Hindi pisikal, pero ng mga salita
Mga salitang dumaig pa sa talim ng itak na bagong hasa.
Hanggang sa ang salitang SORRY ay magasgas na.
Sing-purol ng kinakalawang na lata.
Umasa ako.
Pinaasa mo.
Sa mga salitang akala ko’y totoo.
Minsang sinabi mo na gusto mo ako
Huwag akong mawawala, huwag din magtatago
Pero nasaan ka na? Ba’t bigla kang sumuko?
Bigla kang nawala, ikaw ngayo’y nagtatago.
Pinaniwala mo sa mga pangakong
Hindi mo mapanindigan…napako.
Ang puso ko, nagsusumamo.
Ang isip ko, sa ‘yo nakasentro
Di na mawari kung sisige pa o susuko.
Pakiusap, dinggin mo
Mga salitang sinasambit ko.
Mga salitang mula sa puso
Punong-puno ng pangungulila’t pagkabigo.
Ganon nga yata talaga.
Kapag may simula, kailangan din ng wakas
Wakas na walang kasiguraduhan kung masaya ba o may hatid na kalungkutan
Na gaya ng isang libro
Sandangkal man ang kapal ang mga pahinang naghihintay na basahin ng kahit sino,
Darating at darating din tayo sa dulong bahagi ng kuwento.